Personal Favorites: Bob Ong Quotes


PAALALA: Sa kagustuhan kong isulat sa sariling wika ang pamagat ng post na ito ay hindi ko pa rin nagawa. Ito ay sa kadahilanang salitang Ingles ang karaniwang ginagamit ng mga tao sa paghahanap sa world wide web. Kung kaya’t para mas madaling maipamahagi sa buong mundo ang isang gawa ng Pilipino, Ingles ang ginawang kong pamagat para sa post na ito.

Sa wakas, natapos ko na ring basahin sa pangalawang pagkakataon ang lahat ng mga aklat na isinulat ni Bob Ong. Bakit ko binasa ulit? Gusto ko lang. Bakit may aangal? haha Sa totoo lang, binasa ko ulit ang mga aklat nya upang pumili ng mga paborito kong linya mula sa kanyang mga isinulat. Ang mga paborito kong Bob Ong quotes ay ang mga sumusunod:

 

A B N K K B S N P L A k o ?! (2001)

Pero hindi biro ang pagbabasa, rite of passage ‘to pag natuto ka. Ibig sabihin nabinyagan ka bilang “literate”. Kaya mong magbasa ng mga kasinungalingan sa dyaryo, ng mga subtitles sa foreign movies, at ng mga vandalism sa upuan ng bus gaya ng “Bobo ang bumasa nito!”

Sabi nila, sa kahit ano raw problema, isang tao lang ang makakatulong sa yo–ang sarili mo. Tama sila. Isinuplong ako ng sarili ko. Kaya siguro namigay ng konsenysa ang Diyos, alam Niyang hindi sa lahat ng oras e gumagana ang utak ng tao.

Minsan pala kailangan rin ang lakas para sabihing mahina ka.

Obligasyon kong maglayag, karapatan kong pumunta sa kung saan ko gusto, responsibilidad ko ang buhay ko.

Parang “Time’s up!” ang reunion, “pass your papers, finished or not!” Oras na para husgahan kung naging sino ka…o kung naging magkano ka. Sino ang naging successful? Sino ang naging pinaka-successful?

Nalaman kong habang lumalaki ka, maraming beses kang madadapa. Bumangon ka man ulit o hindi, magpapatuloy ang buhay, iikot ang mundo, at mauubos ang oras.

Nakabalik ako sa lugar, pero di ko na naibalik ang panahon.

Maraming bagay ang naituturo ng mga teacher sa estudyante nang hindi sinasadya. Maraming bagay ang natututunan ng mga estudyante sa teacher nang hindi nila alam.

 

Bakit Baliktad Magbasa Ng Libro Ang Mga Pilipino? (2002)

Magandang abilidad ang pagiging wais at hinahangaan ang magaling lumusot. Kung pwede kang makalibre, hindi ka dapat magbayad. Kung pwede kang maka-dalawang libre, hindi ka dapat umuwi nang isa lang ang dala.

Mahirap magpatupad ng batas, pero madali maghanap ng violations pag oras na ng sisihan.

Marami ang ayaw na sa Pilipinas, pero walang nagtatanong kung gusto sila ng Pilipinas.

Wala namang masama sa pangingibang-bayan. Walang masama kung gusto mong lisanin ang barkong sa tingin mo’y papalubog na. Basta’t wag mo lang hahagisan ng anumang pabigat ang barko habang pinagsusumikapan itong isalba ng ibang tao.

Samantala, wala pa ring malinaw na lunas para sa sakiting bansa. Walang pumapansin sa nag-aapoy nitong lagnat, at walang gustong magbigay ng gamot.

 

Ang Paboritong Libro Ni Hudas (2003)

May mga “season” kasi ang ipis na parang politician na nangangampanya at nagpupumilit pumasok sa bahay n’yo.

Ayokong maya-maya ako iniistorbo ng kahit sinong tao, at ayokong nasasanay sa mga bagay na pwede namang wala sa buhay ko.

May mga bagay daw sa mundo na tinatanggap na lang natin bilang katotohanan kahit walang pruweba o paliwanag.

Tinitignan mo ba ang basong kalahating bawas o ang basong kalahating puno?

Hinahanap mo nga ba ako…o ang kawalan ko?

Mas madaling makita ang wala.

Hindi dahil sa hindi mo naiintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan na ito. At hindi lahat ng kaya mong intindihin ay katotohanan.

At maraming bagay ang mahal pag wala kang pera.

Estudyante mo rin ang magulang ng mga mag-aaral mo. Dapat silang turuan na sumuporta sa pagpasok sa eskwela ng mga anak nila.

At katulad ng sinasabi nila sa buhay, tingin ko totoo ngang mas importante ang “journey” kesa sa “destination.”

Parang eskwelahan din ang buhay e. Marami kang pag-aaralan, pero hindi naman lahat ‘yon e importante at kailangan mong matutunan.

 

Alamat Ng Gubat (2004)

Ang pinakamainam na paraan para maging dukha ay ang maging matapat!

Sikreto pa ba ‘yon kung tatlo na ang nakakaalam?

Iba ang walang ginagawa sa gumagawa ng wala.

Pero mas mabuting mabigo sa paggawa ng isang bagay kesa magtagumpay sa paggawa ng wala.

Pero kung magtutulong-tulong tayo, lahat ay kaya nating lampasan!

Paggawa na ba ng kabutihan ang hindi paggawa ng kasamaan?

Ang kapangyarihan ay tatagal lang ng ilang taon–anim, sampu, dalawampu…. Pero ang impluwensya, daaangtaon.

Hindi kailangang lahat ng gagawin natin ay para lang sa atin, dapat ay isinasaalang-alang rin natin ang mga susunod pang henerasyon.

 

Stainless Longganisa (2005)

Napag-isip-isip kong abnormal ang manunulat na walang panulat.

Isip mo ang nagsasabi kung ang isang salita e baboy, bastos, o <*censored*>.

Dahil ang bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao.

Nang matuto akong magbasa, nadiskubre ko ang kalayaang maglibang nang walang kabayaran.

Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito.

Hindi para sa tamad ang pagsusulat.

Ang maganda sa pag-asa, hindi ‘to nakukuha sa’yo nang hindi mo gusto.

Ayokong magpadala sa mga pwersang humihila sa akin sa mga direksyong hindi ko naman pinapangarap.

Meron akong ibang pangarap para sa tinta ng ballpen ko.

Kung kabayo ang gagawa ng libro, mahirap maging laging politically correct alang-alang sa mga damo.

Walang gamit ang hasaan kung walang hahasain.

Masama akong tao tulad mo, sa parehong paraan na mabuti kang tao, tulad ko.

Wag mong pansinin ang sasabihin ng mga taong susubok humarang sa’yo.

Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buong buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa.

 

MCARTHUR (2007)

Ang di nya nakuha sa lusutan, dinaan nya sa diretso at mabilis na takbuhan.

Kung importante sa buhay ng tao ang teleponong may camera, dapat dati pa tayo lahat namatay!

Hindi rin…di naman lahat ng nakakapagtapos may kinababagsakan.

minsan gusto kong tanungin ang Panginoong Diyos kung bakit kailangan pang magdusa ng isang inosenteng bata matapos iwanan ng ama at mawalan ng ina.

Pag pinaniwalaan namin kayong hindi kayo naglalaro ng tubig kahit na basang-basa ang mga damit ninyo, kayo ang niloloko namin. Hindi kayo ang nakakapanloko.

Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi. Kung alam lang yan ng mga kabataan, sa pananaw ko e walang gugustuhing umiwas sa eskwela.

6 thoughts on “Personal Favorites: Bob Ong Quotes

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s