Harry Potter And The Half-Blood Prince


Isa ang Harry Potter And The Half-Blood Prince sa mga inabangan kong pelikula bukod sa Transformers: Revenge Of The Fallen, Ice Age: Dawn Of The Dinosaurs, at Angels & Demons. Sandali nga, bakit ko pala inabangan ang Harry Potter And The Half-Blood Prince? (1) Dahil nasubaybayan ko ang mga aklat na isinulat ni J.K. Rowling; (2) Dahil nasubaybayan ko rin ang lahat ng rendisyon ng aklat sa mga pelikula; (3) Dahil gusto ko makita sa big screen ang lahat ng mga nabasa ko sa aklat; at (4) Dahil gusto ko rin mapanuod si Emma Watson.

Huwebes, ang araw kung kailan ipinalalabas ang mga bagong pelikula sa mga sinehan dito sa Maynila. Ika-16 ng Hulyo taong 2009, 6:35 ng hapon, nang mapagdesisyunan kong manuod sa Cinema 4 ng SM Megamall ng pelikula ni David Yates. Sa totoo lang ay mataas ang expectation ko sa pelikula dahil sa mga previews at trailers na napanuod ko noon pa man.

Nagbayad ako ng halagang 170 pesos o 3.5 dollars, upang mapanuod ang Harry Potter And The Half-Blood Prince. Sa labas ng sinehan ay maraming tao at mahaba ang pila. Habang nag-aantay ako na makapasok sa loob ay sinimulan ko nang papakin ang French fries na kasama sa in-order kong Yum! with Cheese na meal sa Jollibee. Nangalahati na yata ako sa pag-ubos ng French fries nang simulan magpapasok sa loob ng sinehan. Ayos lang para sa akin kasi medyo nasa bandang unahan naman ako ng pila at dahil diyan ay mas makakapili ako kaagad ng kumportableng pwesto na mauupuan.

Sa Premier Section ako nakahanap ng pwesto. Malapit sa gitnang bahagi ng ika-apat o ikalimang row magmula sa unahan. Tatlong bakanteng upuan sa kanan ko ang pumapagitan sa akin at sa mag-asawa na dala ang kanilang anak na sa tingin ko ay wala pa yatang dalawang taong gulang. Tatlong bakanteng upuan din sa kaliwa ko ang pumapagitan sa akin at sa isang may edad na lalaki. “Sit back, relax, and enjoy the movie.” ang naging mantra ko nung mga oras na hindi pa nagsisimula ang pelikula. Hindi ko na maalala kung anong mga movie trailers ang ipinakita kasi ba naman halos lahat ng ipinalabas ay mga product advertisements. Naisip ko tuloy na parang manunuod lang ako sa TV ng isang pelikula. Ang pagkakaiba nga lang ay marami akong kasamang tao sa paligid.

Movie proper. Sa simula ay hindi ko nasabayan ang pelikula dahil siguro kinalawang na ang memorya ko kung ano nga ba ang istorya. Isang taon na yata kasi ang nakalilipas nang huli kong mabasa ang aklat. Ang ikinaganda lang ng pelikula ay nadadala ka nito sa istorya kahit na nakalimutan mo na. Ibig sabihin ay nabigyan ito ng maayos na plot para sa mga manunuod. Kung napanuod mo ang unang installment ng Harry Potter franchise na Harry Potter And The Sorcerer’s Stone, mapapansin mo na malaking-malaki na ang pinagbago ng mga main characters. Ang dating hindi masyadong pansinin na si Emma Watson (Hermione Granger) ay paganda ng paganda. Kapuna-puna rin sa pelikula si Bonnie Wright (Ginny Weasley) na inihahanda para sa huling installment ng franchise. Siyempre hindi mawawala sila Daniel Radcliffe (Harry Potter), Rupert Grint, (Ron Weasley) at Tom Felton (Draco Malfoy) sa pagganap sa kanilang mga papel. Parang isang romantic movie nga ang naging dating sa akin ng Harry Potter And The Half-Blood Prince. Isang senyales ito na talagang habang tumatagal ay nag-ma-mature na ang mga roles nila. Sa ibang aspeto naman, maganda ang visual effects ng pelikula. Kitang-kita ito sa isang scene na kung saan ay pumunta sila Michael Gambon (Albus Dumbledore) at Daniel Radcliffe (Harry Potter) sa isang secret cave para kunin ang isang Horcrux na locket. Panuorin niyo na lang para malaman niyo.

Kung iisipin ay mahirap talaga na pagkasyahin ang buong istorya ng aklat sa loob ng 2-3 oras na pelikula. Kaya ganoon na lang siguro ang pagkadismaya ko dahil marami akong inaasahan na makita na hindi man lang naisingit ng direktor. Kung nabasa mo ang aklat, huwag kang umasa na mapapanuod mo ang lahat sa pelikula. I-enjoy mo na lang ang panunuod. Ako, hindi ko rin masyadong na-enjoy. Bakit? Kasi may dalawang paa na nakasampa sa isang bakanteng upuan sa gawing kaliwa ko. Nakasuot ng dalawang puting medyas na paulit-ulit sa paggalaw sa buong pagkakataon na nanunuod ako. Nakakaistorbo ang puting kulay na galaw ng galaw sa isang madilim na lugar katulad ng sinehan at mas lalong nakakaistorbo kapag pati ang inuupuan mo ay galaw ng galaw din na para kang nililindol habang nanunuod. Sa totoo lang, simula pa lang ng pelikula ay nais ko nang sawayin ang illiterate na lalaki na yon. Pero hindi ko na ginawa kasi ako rin sigurado ang matatalo at malulugi. Isa pa ay ayaw kong maghanap ng gulo o away. Sa kadahilanang hindi ko naman siya makokontrol, ako na lang ang gumawa ng paraan. Isinuot ko ang hood ng sweater ko upang hindi makita ang maka-ilang ulit na paggalaw ng dalawang mapanadyang paa. Hindi ko na inalintana ang paggalaw ng upuan. Ang sarap nga eh parang nasa Rialto lang ako ng Enchanted Kingdom.

Sa kabuuan, hindi ko masyadong nagustuhan ang pelikula. Bitin.

3 thoughts on “Harry Potter And The Half-Blood Prince

  1. Tama ka, bitin nga ang pelikula… tulad mo, nasubaybayan ko rin ang lahat ng Harry Potter series… pero ngayon lang ako nakaramdam ng sobrang bitin at pagkadismaya…

    Sana ay di na maulit sa huling yugto… ASA!!!

    1. Una sa lahat, maraming salamat sa pagbasa sa post ko at sa pagbibigay ng komento dito. Sa tingin ko, hindi na nila bibitinin ang huling yugto. Ito ay sa kadahilanang gagawin ng direktor ang ikapitong yugto sa dalawang bahagi – Harry Potter and the Deathly Hallows: Part I (2010) at Harry Potter and the Deathly Hallows: Part II (2011). Atin na lang alamin at subaybayan ang pagpapalabas nito sa pinilakang tabing.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s